Naniniwala si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na si dating Vice President at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo ang nananatiling “most winnable candidate” ng oposisyon kung sakaling muling tumakbo sa mas mataas na posisyon.
Ginawa ni De Lima ang pahayag matapos kumpirmahin ni Robredo na hindi na siya tatakbo sa 2028 Presidential Election, at mas pinipili nitong tutukan ang kanyang tungkulin bilang alkalde ng Naga City at serbisyo para sa mga Bicolano.
Ayon sa mambabatas, nauunawaan nila ang naging desisyon ni Robredo at ang layunin nitong pagtuunan ng pansin ang lokal na pamahalaan at mga proyekto sa Naga.
Gayunman, umasa pa rin si De Lima na maaaring magbago pa ang desisyon ng dating Bise Presidente sa hinaharap.
Sa kabila nito, iginiit ng kongresista na nirerespeto nila ang anumang magiging pasya ni Robredo at buo ang kanilang tiwala sa kanyang pagpapasya, na aniya ay palaging nakaugat sa pagtugon sa tungkulin para sa Naga at sa bansa.














