Umabot na sa plenaryo ng House of Representatives ang committee report na naglalaman ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na ngayon ay isasalang sa Committee on Rules para sa iskedyul ng debate at botohan.

Nirefer ng Kamara sa Committee on Rules ang report nitong Martes ng gabi upang itakda ang petsa ng plenary deliberation at botohan kaugnay ng impeachment case.

Ang Articles of Impeachment na inaprubahan ng House Committee on Justice ay nag-aakusa sa Bise Presidente ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, corruption, at iba pang high crimes.

Kabilang sa mga paratang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, bribery, at planong pagpaslang kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Advertisement

Sa ilalim ng Konstitusyon, kinakailangan ng hindi bababa sa isang-katlo o 106 boto ng 318 miyembro ng Kamara upang maipasa ang impeachment at maipadala sa Senado na magsisilbing impeachment court.

Kapag naabot ang kinakailangang boto, ang Senado ay agad na magtitipon bilang impeachment court, habang ang Kamara naman ay maghahalal ng 11 mambabatas bilang public prosecutors sa paglilitis.

Ayon kay House Justice Committee Chairperson Rep. Gerville Luistro, target ng Kamara na maging handa para sa plenary vote sa Mayo 11, kung saan magkakaroon ng ilang araw ang mga mambabatas upang repasuhin ang mga dokumento.

Ipinahayag din ni Luistro ang kumpiyansa na maaaprubahan sa plenaryo ang committee report at posibleng maabot ang kinakailangang boto para sa impeachment.

Itinanggi naman ng ilang mambabatas ang mga ulat ng umano’y pag-atras ng suporta sa committee report at iginiit na nananatiling buo ang kanilang pirma at boto sa proseso.

Advertisement