Ipinahayag ng House justice committee na dapat ma-impeach, permanenteng i-ban sa public office, at kasuhan si Bise Presidente Sara Duterte dahil sa umano’y mga impeachable offenses na natuklasan sa imbestigasyon ng Kamara.
Sa 93-pahinang Committee Report 261 kaugnay ng Resolution 989, sinabi ng House justice panel na may “probable cause” para i-impeach si Bise Presidente Sara Duterte dahil sa umano’y culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang mabibigat na krimen.
Ayon sa report, kabilang sa mga pangunahing akusasyon ang umano’y maling paggamit at iregular na liquidation ng P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at P112.5 milyon noong siya ay Kalihim ng Department of Education.
Ibinibintang din sa Bise Presidente ang umano’y pagkamal ng hindi maipaliwanag na yaman, kabiguan na ideklara nang tama ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2022 hanggang 2024, at patuloy na pagkakaroon ng business interests habang nasa puwesto.
Kabilang din sa mga alegasyon ang umano’y pagbibigay ng pera sa mga opisyal ng DepEd para impluwensiyahan ang procurement processes, at umano’y pag-uutos o pakikisangkot sa mga pahayag na naglalaman ng banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Giit ng House justice committee, ang mga ito ay hindi hiwa-hiwalay na insidente kundi bahagi ng pattern ng umano’y pag-abuso sa kapangyarihan na sumisira sa tiwala ng publiko at nagdudulot ng destabilization sa institusyon ng pamahalaan.
Ayon pa sa report, may sapat na ebidensya na magpapatuloy sa impeachment trial, kabilang ang testimonya ng mga saksi, audit findings ng Commission on Audit (COA), at ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng mga transaksyon ng Bise Presidente at kanyang pamilya.
Inirekomenda ng panel na patawan si Bise Presidente Sara Duterte ng removal from office at perpetual disqualification mula sa anumang posisyon sa gobyerno, at isailalim din siya sa kaukulang kaso at paglilitis.
Inaasahang boboto ang Kamara sa Articles of Impeachment sa Mayo 11, kung saan kinakailangan ang boto ng hindi bababa sa isang-katlo ng 318 miyembro upang maipasa ang kaso sa Senado para sa impeachment trial.














