Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na natanggap na nito ang partial committee report kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects sa bansa.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang ulat mula sa tanggapan ni dating Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Panfilo “Ping” Lacson ay agad na ipapasa sa mga case team na humahawak sa iba’t ibang flood control cases para sa masusing pagsusuri at kaukulang aksyon.

Nakasaad sa report ang mga pangalan nina Senador Francis Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada, gayundin sina dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Leyte Rep. Martin Romualdez, at dating House Appropriations Committee Chair Rep. Elizaldy Co.

Inirekomenda ng komite na isailalim ang mga nabanggit sa preliminary investigation, fact-finding investigation, o case buildup dahil sa posibleng paglabag sa mga batas tulad ng direct bribery, anti-graft and corrupt practices, at plunder.

Advertisement

Patuloy namang susuriin ng Ombudsman ang laman ng ulat upang matukoy kung may sapat na batayan para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga pinangalanang opisyal.

Advertisement