Walang naitalang paglabas ng bansa si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa mga international ports of entry at exit ng Pilipinas, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na wala silang nakikitang recent travel record ni Dela Rosa sa mga international airport at seaport sa bansa.

Ipinaliwanag ni Sandoval na saklaw lamang ng Bureau of Immigration ang pagbabantay sa mga international ports tulad ng mga paliparan at seaport, kabilang ang Zamboanga International Seaport.

Hindi umano kasama sa kanilang monitoring ang mga bay area na binabantayan ng lokal na pamahalaan, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police (PNP).

Advertisement

Nauna nang sinabi ng PNP na nananatili pa sa bansa si Dela Rosa habang naghahanda ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Kasalukuyang nasa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) si Dela Rosa kaugnay ng kinahaharap nitong warrant mula sa ICC para sa kasong crimes against humanity.

Ayon sa ICC, inaakusahan ang senador bilang “indirect co-perpetrator” kasama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs campaign mula 2016 hanggang 2018.

Samantala, iginiit naman ng kampo ni Dela Rosa na bagama’t kinikilala nila ang pagkakaroon ng warrant, hindi nila ito itinuturing na may bisa sa Pilipinas.

Matatandaang ilang buwan ding hindi nagpakita sa Senado si Dela Rosa matapos lumabas ang balitang may arrest warrant laban sa kanya bago ito muling nakita noong Mayo 11 upang bumoto sa pagbabago ng liderato sa Senado.

Advertisement