Siniguro ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Malacañang na pinalalakas nito ang transmission network upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng demand sa kuryente sa bansa.
Ayon sa NGCP, nagpapatuloy ang pagpapatupad ng mga mahahalagang transmission projects na layong masagot ang lumalaking pangangailangan sa enerhiya at masuportahan ang pagsasama ng mga bagong power plant at renewable energy sources sa grid.
Kasabay nito, tinanggap ng NGCP ang patuloy na pagsuporta ng pamahalaan sa sektor ng enerhiya, gayundin ang panawagan para sa mas mabilis na pagproseso ng mga permit at agarang pagbibigay ng right of way access upang mapabilis ang pagtatapos ng mga pangunahing proyekto sa transmission.
Muling iginiit ng NGCP ang pangangailangan para sa isang komprehensibo at pangmatagalang plano sa industriya ng enerhiya, na tututok sa mahahalagang isyu tulad ng sapat at tuloy-tuloy na baseload supply, pagpapanatili ng balanseng energy mix, geographic distribution ng mga pasilidad, at resource-adequacy-based planning.
Ginawa ang pahayag ng NGCP kasabay ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Energy (DOE) na suriin ang mga pangunahing pangangailangan at hamon sa suplay ng kuryente sa bansa.












