Naghain sa Supreme Court of the Philippines ng Petition for Certiorari ang grupo ni Alan Peter Cayetano upang ideklarang walang bisa ang sesyon ng Senado na isinagawa noong Hunyo 3, 2026.
Kabilang sa mga petitioner sina Loren Legarda, Pia Cayetano, Jinggoy Estrada, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, at Camille Villar.
Kapansin-pansin na hindi kasama sa petisyon sina Joel Villanueva at Mark Villar.
Matatandaang natuloy ang sesyon noong Hunyo 3 matapos dumalo si Francis Escudero, na nagbigay-daan upang makabuo ng quorum. Sa naturang sesyon, nahalal si Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.
Sa kanilang 83-pahinang petisyon, hiniling ng mga petitioner sa Korte Suprema na maglabas ng agarang status quo ante order upang suspendihin ang mga aksyon at desisyong isinagawa ng grupong tinukoy nilang “Gatchalian bloc,” kabilang ang mga komiteng nasa ilalim ng kanilang pamumuno.
Ayon sa petisyon, ang usapin ay may potensyal na magdulot ng mga epekto na maaaring hindi na maitama sa pamamagitan ng karaniwang judicial remedies sa hinaharap.
Iginiit din nila na mahalaga ang agarang pag-aksyon sa kaso dahil ang usapin ng quorum ay may direktang epekto sa pamumuno ng Senado, organisasyon ng mga komite, mga imbestigasyong lehislatibo, at maging sa mga proseso ng impeachment.
Samantala, nauna nang nagpahayag si Gatchalian na magpapatuloy ang special session na ipinatawag ng Malacañang ngayong Hunyo 17, 2026, sa kabila ng umiiral na sigalot sa liderato ng Senado.
Sa oras ng pag-uulat, wala pang inilalabas na desisyon ang Korte Suprema hinggil sa petisyong inihain ng grupo ni Cayetano.














