Naniniwala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na may matibay na batayan upang mapanagot ang mga tinaguriang “BGC Boys” matapos irekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng 44 na kasong kriminal kaugnay ng umano’y kabuuang P1.68 bilyong hindi nabayarang buwis.

Ang tatlong dating inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–Bulacan na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza ay nahaharap sa mga kasong tax evasion dahil sa umano’y pagkakautang sa buwis na umaabot sa kabuuang P1.68 bilyon.

Ayon sa BIR, natuklasan ang malaking agwat sa pagitan ng kanilang idineklarang kita at ng halaga ng kanilang mga ari-arian at mga ginastos. Lumabas din sa imbestigasyon na may mga taong hindi umano nakapagsumite ng income tax return ang ilan sa kanila.

Batay sa rekomendasyon ng DOJ, haharap si Alcantara sa 18 kaso na may tinatayang mahigit P913 milyong tax liability. Samantala, si Hernandez ay may 10 kaso na may higit P593 milyong pananagutan sa buwis, habang si Mendoza ay nahaharap sa 16 kaso na may tinatayang mahigit P179 milyong tax liability.

Advertisement

Sa hiwalay na usapin, sina Hernandez at Mendoza ay kasalukuyang nakakulong kaugnay ng umano’y P92.8 milyong “ghost” flood control project sa Bulacan.

Samantala, inalis si Alcantara bilang respondent sa naturang kaso matapos siyang tumestigo at mapasama sa Witness Protection Program

Advertisement