Inatasan ng Sandiganbayan si Senator Rodante Marcoleta na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat isailalim sa preventive suspension habang nililitis ang kasong plunder na isinampa laban sa kanya.
Sa inilabas na kautusan ng anti-graft court, binigyan ang senador ng hindi na mapapalawig na sampung (10) araw mula sa pagtanggap ng abiso upang magsumite ng paliwanag.
Ayon sa Sandiganbayan, ang direktiba ay alinsunod sa Section 5 ng Republic Act No. 7080 o Anti-Plunder Act at Section 4, Rule VIII ng 2018 Revised Internal Rules of the Sandiganbayan.
Noong Miyerkules, humarap si Marcoleta sa kanyang arraignment kung saan naghain siya ng not guilty plea sa kasong plunder at paglabag sa Presidential Decree No. 46 o Anti-Graft and Corrupt Practices Law, na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng regalo o anumang pabor kaugnay ng kanilang posisyon.
Nauna nang nagsampa ng kasong plunder ang Office of the Ombudsman noong Hulyo 3 matapos umanong tumanggap si Marcoleta ng kabuuang ₱75 milyon na hindi idineklarang donasyon noong siya ay miyembro pa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Nahaharap din ang senador sa hiwalay na kaso dahil sa umano’y pagtanggap ng ₱25 milyon mula sa negosyanteng si Joseph Espiritu, na sinasabing lumabag sa umiiral na anti-gift law.
Kapwa itinanggi nina Marcoleta at Espiritu ang mga paratang laban sa kanila.
Samantala, naghain din ng not guilty plea ang mga kapwa akusado ni Marcoleta sa kasong plunder na sina dating Cong. Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray sa kanilang arraignment noong Hulyo 15.













