Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na personal na makikibahagi si US President Donald Trump sa ASEAN-US Special Summit na gaganapin sa Nobyembre 17 sa Pasay City.

Bahagi ito ng ASEAN Summit na nakatakdang idaos mula Nobyembre 15 hanggang 18 sa Philippine International Convention Center (PICC), kung saan inaasahang magsasama-sama ang mga lider ng Southeast Asian countries at kanilang mga dialogue partners upang talakayin ang mahahalagang usaping panrehiyon at pandaigdigan.

Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing pagtitipon, na tatalakay sa mga pangunahing prayoridad ng ASEAN, kabilang ang patuloy na krisis sa Myanmar.

Inaasahang makikilahok ang mga kinatawan mula sa Vietnam, Cambodia, Brunei, Indonesia, Laos, Malaysia, Singapore, Thailand at Timor-Leste. Samantala, isang opisyal mula sa Myanmar Foreign Ministry ang kakatawan sa kanilang bansa.

Advertisement

Dadalo rin bilang Guest of the Chair ang mga kinatawan ng Brazil at Canada.

Magsisimula naman sa Nobyembre 16 ang serye ng pagpupulong kasama ang mga dialogue partners ng ASEAN, kabilang ang Australia, China, India, Japan, New Zealand, South Korea, Russia, United Nations at United States.

Ayon sa DFA, magsisilbi itong pagkakataon upang higit pang mapalakas ang ugnayan at pagtutulungan ng ASEAN at mga katuwang nitong bansa sa mga usaping mahalaga sa rehiyon at sa buong mundo.

Samantala, pangungunahan ni Pangulong Marcos sa Nobyembre 17 ang 29th ASEAN Plus Three Summit at 21st East Asia Summit, kung saan tatalakayin ang mga isyung may kaugnayan sa seguridad, politika at ekonomiya.

Magtatapos ang mga aktibidad sa pormal na paglilipat ng ASEAN chairmanship sa Singapore, na susundan ng ASEAN-US Special Summit na dadaluhan ni Trump.

Advertisement