Patuloy ang search and rescue operations sa isang candy factory sa Banten, Indonesia, matapos itong tupukin ng apoy noong Sabado ng gabi.

Batay sa ulat ng pulisya, umabot na sa 24 body bags ang narekober mula sa nasunog na pabrika, habang 30 iba pa ang patuloy na pinaghahanap. Tinatayang nasa 300 empleyado ang nasa loob ng establisimyento nang mangyari ang trahedya.

Dahil sa matinding pinsalang dulot ng sunog, hindi na makilala ang mga labi ng mga nasawi. Dahil dito, isasailalim ang mga ito sa DNA testing upang matiyak ang kanilang pagkakakilanlan.

Advertisement

Inaasahang magpapatuloy ang rescue operations sa Lunes ng umaga. Gayunman, nagiging hamon sa mga awtoridad ang posibilidad na gumuho ang ilang bahagi ng gusali, kaya kinakailangang maging maingat sa pagsasagawa ng operasyon.

Nagsimula na rin ang mga awtoridad sa pangangalap ng DNA samples mula sa mga kaanak ng mga nawawalang manggagawa. Tinatayang aabutin ng dalawa hanggang tatlong linggo bago makumpleto ang proseso ng pagkilala sa mga biktima.

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay at humingi ng paumanhin si Steven Wijaya, chief executive officer ng kumpanya, sa mga empleyado at pamilyang naapektuhan ng insidente.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog.

Advertisement