Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang namataang Chinese bomber aircraft na lumipad malapit sa karagatang bahagi ng Luzon, na tinatayang 170 nautical miles ang layo mula sa Metro Manila.
Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng AFP para sa West Philippine Sea, namonitor ng militar ang paglipad ng isang Chinese H-6 strategic bomber sa bahagi ng West Philippine Sea.
Sinabi ni Trinidad na nagpapakita ito ng pagpapalawak ng presensya ng militar ng China sa rehiyon. Kung dati ay karaniwang malapit lamang sa mainland China ang kanilang bomber patrols, ngayon ay nakararating na rin ang mga ito malapit sa Pilipinas.
Batay sa monitoring ng AFP, umabot sa layong 45 nautical miles mula sa teritoryo ng bansa ang nasabing eroplano.
Gayunman, nilinaw ni Trinidad na walang nakitang indikasyon na nagsasagawa ang naturang bomber aircraft ng paghahanda para sa missile attack.
Naniniwala rin ang opisyal na bahagi lamang ito ng regular na pagpapatrolya ng China, na dati na ring namonitor sa paligid ng Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Dagdag pa niya, patuloy na pinauunlad ng AFP ang kanilang mga kagamitan at kakayahan sa pagbabantay upang mas mabilis na matukoy ang mga dayuhang sasakyang panghimpapawid bago pa man makapasok ang mga ito sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Matatandaang patuloy na iginigiit ng China ang pag-aangkin nito sa malaking bahagi ng West Philippine Sea, sa kabila ng mga pagtutol ng Pilipinas.














