Naghain ng petisyon sa Korte Suprema sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez at ilang kasama upang obligahin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa pisikal at mental na eksaminasyon, kabilang ang hair follicle test, upang matukoy umano ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan.
Sa inihain na petition for mandamus noong Abril 15, 2026, layunin ng mga petitioner na mailantad sa publiko ang kondisyon ng pangulo, kasunod ng mga alegasyon na maaaring makaapekto ito sa kanyang kakayahang gampanan ang tungkulin bilang punong ehekutibo.
Kabilang sa mga respondent sa kaso si Executive Secretary Ralph Recto, gayundin ang Pangulo. Inatasan na ng Korte Suprema si Recto na magsumite ng komento sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso.
Ayon sa petisyon, ang umano’y kakulangan ng “effective response” ng Pangulo sa epekto ng socio-economic crisis sa Gitnang Silangan ay posibleng indikasyon ng lumalalang pisikal at mental na kalagayan nito.
Iginiit din ng mga nagsampa na mahalagang matiyak ng publiko na ang mga desisyon at polisiya ng ehekutibo ay nagmumula sa isang lider na “mentally sound” at “physically capable,” at may malayang paghatol.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang magiging tugon ng mga respondent at ang susunod na hakbang ng Korte Suprema kaugnay ng nasabing petisyon.














