Tinalakay ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations ang pagpapalakas ng kooperasyon para sa energy security sa isinagawang special ASEAN Ministers on Energy Meeting (AMEM), kabilang ang posibilidad ng pagkakaroon ng ASEAN power grid.

Ayon kay DOE Sec. Sharon Garin, mahalaga ang pagtutulungan ng mga bansang ASEAN upang matiyak ang sapat at matatag na suplay ng enerhiya sa rehiyon, lalo na sa panahon ng pandaigdigang tensyon at pagtaas ng presyo ng langis.

Isa sa mga natalakay sa pulong ang posibilidad ng pagtatatag ng ASEAN grid na layuning pagdugtungin ang supply ng kuryente ng mga bansang miyembro upang makatulong sa energy stability ng rehiyon.

Sinabi rin ni Garin na tumutulong ang ilang bansang ASEAN sa mga nangangailangan ng oil supply tulad ng Pilipinas.

Advertisement

Bukod dito, nakikipag-ugnayan din umano ang South Korea at Japan sa Pilipinas kaugnay ng energy cooperation, kasama rin ang ilang bansang hindi kasapi ng ASEAN tulad ng mga bansa sa Africa at Amerika.

Samantala, nilinaw ng Kalihim na hindi pa nakakabili ng langis mula sa Russia ang Philippine National Oil Company.

Bagama’t may mga reaksiyon mula sa Ukraine hinggil sa posibleng hakbang ng Pilipinas sa usapin ng oil supply, iginiit ni Garin na naapektuhan lamang ang bansa ng umiiral na tensyon at digmaan sa pagitan ng Iran at Amerika na nakaapekto sa pandaigdigang merkado ng enerhiya.

Advertisement