Natagpuan sa tabi ng mga binunot na damo sa isang taniman sa Barangay Del Rosario, Pamplona, Camarines Sur ang bangkay ng nawawalang lola na si Lola Josefina Olitoquit, anim na araw matapos siyang maitala bilang missing person.
Nagulat ang may-ari ng taniman nang maabutan ang matanda na nakahandusay sa umaga, malapit sa mga damo na posibleng siya mismo ang nagbunot. Ayon sa may-ari, maaaring natulog doon ang lola magdamag dahil naubos ang tubig na dala niya sa isang plastic bottle.
Agad namang tumungo sa lugar ang mga tauhan ng Pamplona Municipal Police Station (MPS) at nakumpirma ang pagkakakilanlan ng matanda bilang si Lola Josefina Olitoquit, residente ng Barangay Santa Cruz, San Fernando, Camarines Sur. Positibong kinilala rin siya ng kanyang mga kapamilya.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng awtoridad ang mga detalye ng kanyang pagkamatay upang matukoy ang mga dahilan at kung may foul play na kinasasangkutan.














