Nagsagawa ang China ng military drills, kabilang ang live-fire exercises, malapit sa silangan ng Luzon kamakailan, kasabay ng taunang Balikatan Exercises ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon sa pahayag ng China, isinagawa ng kanilang Naval Task Group 107 ang live-fire shooting, sea-air coordination, rapid maneuvers, at maritime replenishment upang subukin ang kanilang joint combat capabilities. Hindi binanggit ng Beijing ang eksaktong lokasyon at petsa ng mga aktibidad, ngunit iginiit na ito ay “necessary operation” at alinsunod sa international law.
Sa kabilang banda, mahigit 17,000 sundalo mula sa Pilipinas, Estados Unidos, at iba pang kaalyado ang lumalahok sa Balikatan Exercises na isinasagawa mula Abril 20 hanggang Mayo 8. Sa unang pagkakataon, sumali rin ang mga combat troops mula Japan sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.
Bahagi ng drills ng Balikatan ang mga operasyon sa Luzon, kabilang ang maritime strike exercises sa Itbayat, na malapit sa Taiwan, at counter-landing live-fire drills sa Zambales na malapit sa pinagtatalunang Scarborough Shoal.
Matagal nang kinukondena ng China ang mga joint military exercises ng Pilipinas at mga kaalyado nito, na anila ay nagpapataas ng tensyon sa rehiyon. Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ng Chinese Premier Li Qiang na palalakasin pa ng kanilang bansa ang maritime defense at teknolohiyang militar upang maprotektahan ang kanilang interes sa pinag-aagawang karagatan.














