Itinanggi ni dating Health Undersecretary Kenneth Hartigan-Go sa Sandiganbayan na hindi kailanman nag-advertise o nagbenta ng anumang produkto ang Zuellig Family Foundation kung saan siya nagsilbing executive director mula 2001 hanggang 2009, kahit may lumabas na koneksyon sa isyu ng Dengvaxia distributor.

Gayunman, inamin niya na nilagdaan niya ang isang rekomendasyon noong 2015 ng Formulary Executive Council na magbigay ng exemption sa Dengvaxia mula sa Philippine National Drug Formulary, na sana ay magpapahintulot sa gobyerno na legal na makabili ng bakuna, ngunit hindi ito naaprubahan.

Ayon sa mga prosecutor, binanggit umano ni Hartigan-Go sa naturang dokumento ang isang pag-aaral ng Sanofi, ang manufacturer ng Dengvaxia. Ngunit giit ng dating opisyal, hindi niya alam na nakasaad ang naturang reference sa dokumentong isinumite.

Ang kaso ay kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagbili ng ₱3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia noong 2015, kung saan kabilang din sa mga kinasuhan si dating Health Secretary at ngayo’y House Deputy Speaker Janette Garin at iba pa.

Advertisement

Ayon sa Office of the Ombudsman, iligal umanong ginamit ang pondo ng gobyerno para sa pagbili ng bakuna na hindi kabilang sa Expanded Program for Immunization at walang pahintulot mula sa drug formulary, na posibleng paglabag sa Executive Order No. 49 at iba pang umiiral na regulasyon.

Advertisement