Photo © web

Inilatag ng legal counsel ng extrajudicial killings (EJKs) at human rights lawyer Neri Colmenares ang dalawang legal na batayan para ipagpatuloy ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon at posibleng paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kahit kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.

Ayon kay Colmenares, una, sa ilalim ng Article 127 ng Rome Statute, nananatili ang obligasyon ng bansa sa mga kasong sinimulan habang miyembro pa ito ng ICC, kabilang ang preliminary examination na inilunsad noong 2018.

Ikalawa, sinabi ng abogado na kinilala umano ng pamahalaan ang hurisdiksyon ng ICC sa pamamagitan ng mga aksyon nito, kabilang ang pagsusumite ng mga dokumento noong 2021 at 2022 na humihiling na ipagpaliban ang imbestigasyon.

Nagbabala rin si Colmenares na kung papanigan ang kampo ni Duterte, maaaring mahikayat ang ibang lider na umiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng pag-alis sa ICC.

Advertisement

Samantala, nanindigan ang mga pamilya ng mga biktima na ipagpapatuloy nila ang kanilang laban para makamit ang hustisya.

Inaasahang ilalabas ng Appeals Chamber ng ICC sa Abril 22, bandang 11:00 ng umaga sa The Hague (5:00 ng hapon sa Pilipinas), ang pinal na desisyon sa apela ng mga abogado ni dating Pangulong Duterte hinggil sa hurisdiksyon ng korte sa kasong crimes against humanity.

Advertisement