Nagbanta si Israeli Defense Minister Israel Katz na handa ang Israel na ibalik ang Iran sa tinawag niyang “dark ages,” habang patuloy na lumalala ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Katz, handa ang militar ng Israel na muling maglunsad ng opensiba at nakaposisyon na umano ang mga target, ngunit naghihintay pa sila ng pahintulot mula sa Estados Unidos upang ipagpatuloy ang operasyon.
Giit pa ng opisyal, layunin ng Israel na tuluyang pabagsakin ang pamumuno ng tinutukoy na dinastiya ni Khamenei sa Iran.
Samantala, inaasahang magpupulong si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu kasama ang mga matataas na opisyal ng seguridad upang talakayin ang sitwasyon sa Israel at Lebanon.
Patuloy ring umiigting ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, kabilang ang mga ulat ng pag-agaw ng mga barkong umano’y may kargang langis mula sa Iran at ang muling pagsasara ng Strait of Hormuz.
Sa kabila ng mga naunang airstrike na ikinasawi ng ilang matataas na opisyal ng Iran, nananatiling matatag ang pamahalaan ng bansa. Gayunman, nagbabala si Katz na ang susunod na hakbang ng Israel ay maaaring mas mabagsik at magdulot ng mas malawak na pinsala.














