Iginiit ng pamunuan ng House of Representatives na ang usapin sa paglalabas at pagpapatupad ng budget allocations ay hindi saklaw ng kanilang kapangyarihan, subalit nananatiling bukas sa dayalogo ang liderato sa mga miyembro ng National Unity Party (NUP).
Ayon kay Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, hinihikayat ng liderato sa ilalim ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang direktang pakikipag-usap ng mga mambabatas, anuman ang kanilang partidong kinabibilangan. Nilinaw niya na ang proseso ng budget allocation ay dumaraan sa mga ahensya at hakbang na wala sa kontrol ng pamunuan ng Kamara.
Sa kabila ng hamon sa ekonomiya at pagtaas ng presyo, iginiit ng Kamara na nananatili itong nagkakaisa sa pagpapatupad ng legislative agenda ng 20th Congress at sa pagtitiyak na maisasakatuparan ang mga programang makikinabang sa mga Pilipino.
Samantala, iniulat kahapon ni Antipolo City Representative at Deputy Speaker Ronaldo Puno na plano ng NUP na lumipat sa minorya sa Kamara dahil sa pagkadismaya sa liderato ni Speaker Dy. Ayon kay Puno, hindi umano kumikilos si Dy upang mailabas ang infrastructure at social protection funds ng mga kongresista na nakasaad sa national budget, na kasalukuyang nakalagay sa “for later release.”













