Inaprubahan ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, ipinasa ng mga mambabatas ang House Bill No. 8418 na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo nang hanggang anim na buwan, kung lalampas sa US$80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan bago ipatupad ang aksyon.
Nakasaad din sa panukala na mananatili lamang ang kapangyarihan ng Pangulo hanggang Disyembre 31, 2028, at awtomatikong aalisin o ibabalik ang excise tax kapag natapos na ang itinakdang panahon o nawala ang kundisyong dahilan ng pagpapatupad.
Nauna nang nanawagan ang mga transport group para sa suspensyon ng excise tax habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis dulot ng sigalot sa pagitan ng Iran, United States, at Israel.
Samantala, nakatakdang magsagawa ng pagdinig ngayong linggo ang Senate committees on ways and means at energy kaugnay ng hindi bababa sa limang panukalang batas na layong payagan ang Pangulo na suspindihin ang excise tax sa langis.













