NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Michaeal Sarmiento Delo Santos, 34-anyos, residente ng Sitio Kalye Onse, Brgy. Sta. Catalina Norte sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang naglalakad sa may eskinita pauwi sa kaniyang bahay ang biktima nang sumulpot ang armadong suspek at binaril ang biktima dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Kaugnay nito, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang fired cartridge case ng hindi pa malaman na uri ng baril.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Tinutunton na rin ang kinalalagyan ng salarin na nakatakas matapos ang insidente.