NAGA CITY- Plano ngayon ng mga otoridad ng Sta. Salud, Calabanga, Camarines Sur na ilockdown ang lugar kung saan matatagpuan ang imahe ng Amang Hinulid.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Virginia Oliva ng nasabing Barangay, sinabi nito na ito lamang ang naiisip nilang paraan upang maiwasang kumakalat ang sakit na coronavirus disease sa lugar.
Ayon kay Oliva, taon-taon libo-libong mga deboto ng Hinulid ang nagbibisita sa lugar upang magdasal at makahawak sa imahe.
Samantala, hinikayat ng opisyal ang lahat na mag-alay na lamang ng dasal sa loob ng kani-kanilang bahay.
Inabisuhan naman nito ang mga negosyante na huwag na munang magtungo sa kanilang lugar dahil tiyak na malulugi lamang ang mga ito kung wala namang mga tao.
Ang nasabing imahe ang taong-taong dinadayo tuwing Semana Santa ng mga deboto na mula pa sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon at bansa.
Dito rin nagtatapos ang taunang ‘Alay Lakad’ kung saan naglalakd ang mga deboto mula sa lungsod ng Naga at dadaanan ang tatlong bayan bago makarating sa naturang kapilya.