NAGA CITY- Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit 1-M halaga ng pinaniniwalaang shabu mula sa dalawang suspek sa Camaligan,Camarines Sur.

Kinilala ang mga suspek na sina Amando del Rosario at Gil San Buenaventura kapwa residente ng Barangay San Roque sa nasabing lugar.

Ayon kay PCapt. John Angelo Romeroso, hepe ng Camaligan Municipal Police Station, sinabi nito na matapos iabot kay Del Rosario ang mark money na may kasabay na boodle money, agad naman ibinigay ni San Buenaventura ang biniling pinaghihinalaang shabu sa nagpanggap na poseur buyer.

Aniya, pagkatapos ng transaksyon, agad naman nilang inaresto ang mga suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na bukod sa 25 grams na binili ng kanilang poseur buyer, nakumpiska pa kay Del Rosario ang tinatayang aabot sa 100 grams ng iligal na droga habang nasa 46 grams ng hinihinalang shabu naman ang kay San Buenaventura.

Dagdag pa ni Romeroso, si Del Rosario ang nagsisilbing runner ni San Buenaventura kung saan ito ang kumukuha ng supply ng iligal na droga at ito rin umano ang nagdedeliver.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon.