NAGA CITY – Kumpiskado ang mahigit P2-M na halaga ng ipinagbabawal na gamot sa isang suspek sa Polillo, Quezon.

Kinilala ang suspek na si alyas OTO, 43-anyos, residente ng Brgy. Salipsip, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na nakabili sa suspek ang poseur buyer ng isang piraso ng pinaghihinalaang shabu gamit ang P1,000 bilang buy-bust money.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman pa na nakumpiska pa sa suspek ang 2 piraso ng heat-sealed transparent plastic bag na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, anim na piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng ilegal na shabu.

Sa kabuuan, mayroong bigat na humigit-kumulang 106 grams ang mga nakumpiskang item at nagkakahalagang P2,162,400.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga nakumpiskang mga item gayundin ang suspek para sa karampatang kaparusahan at disposisyon.