Tiniyak ng Malacañang na handa na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa mga hakbang upang mabawasan ang posibleng epekto ng inaasahang El Niño na maaaring magdulot ng below-normal rainfall at tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, isinasagawa na ang mga paghahanda lalo na sa sektor ng agrikultura at irigasyon upang matugunan ang posibleng kakulangan sa tubig sa mga apektadong lugar.
“Ang El Niño naman po ay nararanasan natin, hindi na po ito bago, kaya handa po ang DA (Department of Agriculture) sa mga kongkretong measures para ito ay maagapan,” ani Castro.
Inatasan ang Department of Agriculture na bantayan ang mga high-risk agricultural areas at magpatupad ng localized interventions batay sa mga nakaraang pattern ng El Niño.
Kasabay nito, inatasan din ang National Irrigation Administration (NIA) na tukuyin ang mga irrigation system at sakahang maaaring maapektuhan ng kakulangan sa tubig, kabilang ang Magat Dam at Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems.
Naghahanda rin ang Philippine Rice Research Institute at Bureau of Soils and Water Management sa pamamagitan ng pagmamapa ng rain-fed at irrigated farmlands para sa mga kaukulang mitigation efforts.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na may 92% na tsansa ng moderate hanggang strong El Niño, at may ilang modelo na nagbabala ng posibleng “super” El Niño na maaaring magdulot ng mas matinding kakulangan sa ulan at pressure sa water resources sa bansa.














