Binigyang-diin ng Manibela na makatwiran o “realistic” ang panawagan ng mga transport group na ibaba ang presyo ng langis sa ₱55 kada litro, kasabay ng paglulunsad ng nationwide transport strike bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon kay Mar Valbuena, nagsimula umano ang pagtaas ng presyo ng langis nang sumiklab ang tensyon sa Middle East, kahit na ayon sa kanya ay mula sa buffer stock o imbentaryo na nauna nang nabili ang ibinebentang produktong petrolyo noong mga panahong iyon.
Iginiit ni Valbuena na may batayan ang panawagang ibalik sa ₱55 kada litro ang presyo ng langis.
“Opo (realistic), kung hindi tayo tanga,” ani Valbuena, na nagsabing ang mga naunang pagtaas ng presyo ay sinisingil sa mga tsuper, operator, at motorista, at ito umano ang ginamit na pondo ng mga kumpanya ng langis sa pagbili ng bagong stock.
“Ibig sabihin, ‘yung pinambili nila ngayon ay galing na no’ng nagtaas sila… dapat ibalik nila sa ₱55 ang presyo ng petrolyo,” dagdag niya.
Samantala, inilunsad ng Manibela ang isang nationwide transport strike na magsisimula Abril 15 at magtatagal hanggang Abril 17 bilang protesta at panawagan sa pamahalaan na aksyunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na nagpapahirap sa sektor ng transportasyon at mga motorista.














