Patuloy na hinihintay ng Metropolitan Naga Water District (MNWD) ang hiniling nitong P130 milyong loan galing sa Local Water Utilities Administration (LWUA) para sa pagsasaayos at pagpapalit ng ilan nitong pipelines.
Bahagi ito ng isasagawang maintenance upang magbigay-daan sa suplay ng tubig na manggagaling sa karagdagang pumping stations na ipinagagawa ng nasabing water district.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay MNWD public information officer Choppy de la Cruz, sinabi niyang mawawalan ng saysay ang pagdaragdag ng pumping stations kung dadaloy pa rin ang karagdagang suplay ng tubig sa mga luma at mas maliliit na tubo.
Ngayong taon aasahang magiging sampu na ang bilang ng pumping stations ng MNWD matapos itong magpagawa ng karagdagang pitong pasilidad, kung saan tatlo ang bubuksan sa unang kwarter, parehong bilang sa ikalawang kwarter, habang isa lamang ang inaasahang maging operational bago matapos ang 2026.
Hindi naman nakikitaan ng kakulangan ang nasabing water district sa suplay ng tubig dahil nasa normal na lebel pa naman umano ito sa gitna ng inaasahang pagbabadya ng tag-init simula ngayong Marso. Nakitaan pa nga ito ng pag-apaw ng dahil sa mga nakaraang pag-uulan.
Malabo umanong matulad ito sa sitwasyon nitong taong 2024 kung saan talagang naramdaman ang kakulangan sa suplay ng tubig.
Wala namang inaasahang water interruptions ang mga consumers ng MNWD dahil magiging parallel lang naman ito sa mga linya ng tubig at kaagad naman nitong ii-interconnect matapos ang paglalatag ng mga ito.
Paalala ni de la Cruz sa publiko, matutong magtipid ng tubig at huwag itong masyadong aksayahin ngayong darating na tag-init.
Samantala, hinihintay pa rin ng water district hanggang ngayon ang kahilingan nito sa LWUA na pataasin ang singil ng tubig sa 20 percent, o aabot sa P4 hanggang P6 na mas mahal kaysa sa dati nitong presyo.








