Bumuwelta si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kay dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon matapos kuwestyunin ng huli ang operasyon laban kay Peanut Gallery Media Network (PGMN) founder Franco Mabanta at iba pa.

Kinuwestyon ni Guanzon kung saan nagmula ang perang ginamit sa operasyon, lalo’t naka-freeze umano ang account ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Bilang tugon, iginiit ni Matibag na gumamit lamang ang mga operatiba ng tinatawag na “marked money” sa isinagawang entrapment operation.

Ayon sa NBI chief, karaniwang pamamaraan ng mga law enforcement agency ang paggamit ng marked money, na tinatawag din niyang “budol money,” sa mga ganitong operasyon.

Advertisement

Paliwanag pa niya, bahagi lamang ng inilagay na pera ang aktwal na tunay na salapi, habang ang natitirang bahagi ay pawang pekeng pera na ginagamit sa operasyon.

Nilinaw din ni Matibag na walang aktwal na pondo mula kay Romualdez na inilabas o ginamit bago isinagawa ang operasyon.

Advertisement