Tiniyak ni National Bureau of Investigation o NBI Director Melvin Matibag na handa ang ahensya na arestuhin si Senador Jinggoy Estrada kahit nasa loob pa ito ng Senado kasunod ng inilabas na warrant of arrest ng Sandiganbayan.

Ginawa ni Matibag ang pahayag matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan nitong Biyernes laban kay Estrada kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Matatandaang sinabi ng Office of the Ombudsman na umabot umano sa P573 million ang kickbacks na natanggap ng senador mula sa naturang proyekto.

Iginiit din ng Ombudsman na non-bailable ang plunder case na kinahaharap ni Estrada dahilan upang hindi ito agad makapagpiyansa para sa naturang kaso.

Advertisement

Sa isang pulong balitaan, inihalintulad pa ni Matibag ang sitwasyon sa naging pagtatangka ng mga awtoridad na ipatupad ang arrest warrant laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa noong Mayo 11.

Ayon pa sa NBI chief, kung pagbabatayan ang legal na argumento sa pagkakaroon ng lokal na warrant, maaari umanong arestuhin si Estrada kahit nasa loob ito ng Senado.

Nauna nang sinabi ng NBI na mayroon nang mga kaso noon kung saan naaresto ang ilang mambabatas habang nakaupo pa sa puwesto kabilang sina dating Senador Leila de Lima, Antonio Trillanes IV, at ang namayapang si Juan Ponce Enrile.

Advertisement