Aabot sa tinatayang P170 bilyon kada taon ang mawawalang kita ng pamahalaan sakaling alisin ang value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.

Sa pulong balitaan nitong Biyernes, Abril 10, 2026, sinabi ni Garin na malaking bahagi ng koleksyon ng gobyerno ang nagmumula sa VAT sa petroleum products, kaya’t ang pagtanggal nito ay magdudulot ng malaking kakulangan sa kita ng estado.

Binigyang-diin din ng kalihim na kinakailangan munang amyendahan ang umiiral na batas bago maisakatuparan ang panukalang alisin ang VAT sa fuel products.

Samantala, iginiit ni Marikina Representative Miro Quimbo na posibleng lalong lumala ang kalagayang pang-ekonomiya ng bansa kung ipatutupad ang naturang hakbang, lalo na sa gitna ng umiiral na krisis sa Gitnang Silangan.

Advertisement

Nag-ugat ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa anim na linggong digmaan sa rehiyon, na nagdulot ng tensyon sa Strait of Hormuz—isang pangunahing ruta ng pandaigdigang suplay ng langis—at lalong nagpalala sa global na krisis sa enerhiya.

Dahil dito, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na may direktang epekto sa Pilipinas na umaasa sa humigit-kumulang 98 porsyento ng inaangkat nitong krudo mula sa Middle East.

Sa kasalukuyan, lumampas na sa P100 kada litro ang presyo ng fuel sa nakalipas na dalawang linggo, na nagpapabigat sa sektor ng transportasyon at sa pangkalahatang gastusin ng mga mamamayang Pilipino.

Advertisement