Itinakda ng Sandiganbayan sa Abril 7, 2026 ang pagsisimula ng paglilitis sa kasong graft laban kay dating senador Ramon Bong Revilla Jr. kaugnay ng umano’y ghost P92.8-milyong flood control project sa Bulacan.
Ayon sa Sandiganbayan Fourth Division, itinakda ang petsa matapos makumpleto ang pre-trial ng kaso kung saan nagsumite na ang prosekusyon at depensa ng kani-kanilang listahan ng mga saksi at dokumentaryong ebidensya.
Kabilang sa mga kapwa akusado ni Revilla ang ilang dating opisyal at empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office. Kabilang dito sina assistant district engineer Brice Hernandez; mga engineer na sina Jaypee Mendoza, Arjay Domasig at Emelita Juat; finance section chief Juanito Mendoza; at cashier Christina Pineda.
Nakapagpiyansa na si Revilla ng P90,000 para sa kasong graft ngunit nananatili siyang nakakulong sa New Quezon City Jail sa Payatas dahil sa hiwalay na kasong malversation na walang piyansa.
Ang hiwalay na kaso ay may kaugnayan din sa umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sa ilalim ng batas, ang kasong walang piyansa ay nangangailangan ng petisyon para sa bail at pag-apruba ng korte bago pansamantalang makalaya ang akusado habang dinidinig ang kaso.
Hindi pa naghahain si Revilla ng petisyon para sa bail sa Sandiganbayan Third Division na humahawak sa kasong malversation dahil mayroon pa siyang nakabinbing mosyon para sa reinvestigation sa Office of the Ombudsman.
Samantala, mariing itinanggi ni Revilla ang anumang pagkakasangkot sa umano’y ghost flood control project.
Ayon sa mga prosecutor ng Ombudsman, pinadali umano nina Revilla at ng kanyang mga kapwa akusado ang pagpapalabas ng buong pondo ng proyekto, nagpalsipika ng accomplishment reports, naglabas ng pekeng billing documents, nag-endorso ng disbursement, at idineklara ang proyekto na tapos na kahit wala umanong aktuwal na konstruksyon.













