Photo © web

Muling kinuwestyon sa Senado ang umano’y mabagal na pagpapatupad ng batas na nagsususpinde sa excise tax sa produktong petrolyo, kasabay ng panawagan para sa mas malawak na hakbang gaya ng pagsuspinde sa Value-Added Tax (VAT) upang mapagaan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, iginiit ni Senator Bam Aquino na dapat ay naisakatuparan na ang suspensyon ng excise tax dalawang linggo matapos itong maipasa, upang agad na ramdam ng publiko ang pagbawas sa presyo ng langis.

Ayon sa senador, malinaw umano sa mga naunang pagdinig ng Senate Ad Hoc Committee na kayang ipatupad ng mga oil company ang nasabing tax suspension at maaari itong direktang magresulta sa pagbaba ng presyo sa merkado.

Kasabay nito, muling isinulong ni Aquino ang panukalang suspensyon ng VAT sa langis, na layong higit pang bawasan ang pasanin ng mga mamamayan sa gitna ng mataas na gastusin sa petrolyo.

Advertisement

Binigyang-diin din niya na dapat tutukan ng pamahalaan ang pagpapanatili ng operasyon ng mga paaralan at ang tuloy-tuloy na serbisyo ng mga ospital sa kabila ng epekto ng mahal na langis sa logistics at operasyon ng mga institusyon.

Ibinahagi rin ng senador ang mga hakbang ng ibang bansa na apektado ng krisis sa enerhiya, kabilang ang libreng pampublikong transportasyon sa Australia, lingguhang cash assistance sa New Zealand, at malawakang subsidiya sa Ethiopia.

Sa huli, nanawagan ang senador ng komprehensibong plano at agarang aksyon mula sa gobyerno upang maibsan ang patuloy na epekto ng krisis sa langis sa mga Pilipino.

Advertisement