NAGA CITY- Patay ang isang 42-anyos na babae matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Lucena City.
Kinilala ang biktima na si Anabelle Serrano Mangarin residente ng Pagkatipunan Compound, General Malvar St Brgy 5, Lucena City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Lt.Col Romulo Abaseya, sinasabing papasok na umano si Mangarin sa kanyang bahay ng ito ay pagbabarilin.
Sagil dito, nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa ulo at katawan si Mangarin at agad naman na itinakbo sa ospital ngunit dineklara nang dead on arrival ng mga doktor.
Dagdag pa ni Abaseya, pinaniniwalaang mistaken identity ang nangyari dahil mayroon umano itong kapangalan na imbwelto sa iligal na droga.
Samantala, agad namang tumakas ang mga may gawa ng krimen.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang magazine at tatlong bala ng kalibre 45 na baril.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matonton ang mga suspek.