Nagpatupad ang Department of Agriculture (DA) ng moratorium sa pag-import ng poultry, kabilang ang domestic at wild birds pati na ang kanilang by-products, mula sa US state ng Indiana matapos makumpirma ang outbreaks ng highly pathogenic H5N1 avian influenza.

Ayon sa DA, iniutos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang agarang import restriction na nagbabawal sa pagpapadala ng manok, day-old chicks, itlog, at semen mula sa Indiana. Ang hakbang ay batay sa ulat ng US Department of Agriculture-Animal and Plant Health Inspection Service (APHIS) noong Pebrero 23, 2026, na kinumpirma ng National Veterinary Services Laboratories sa Ames, Iowa.

Dahil sa mabilis na pagkalat ng virus sa US, ipinatupad ang mas malawak na trade restriction upang maprotektahan ang multi-bilyong piso na poultry industry sa Pilipinas. Sa ilalim ng 2016 bilateral animal health arrangement sa pagitan ng Manila at Washington, puwedeng ipatupad ang state-wide ban kung tatlo o higit pang counties sa isang US state ang apektado, at lumampas na sa threshold ang Indiana ayon sa ulat sa World Organisation for Animal Health (WOAH).

Agarang sinuspinde ng DA ang processing at issuance ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSICs) para sa mga sakop na produkto, at awtomatikong nire-revoke ang dating aprubadong SPS clearance para sa live birds. Ang mga shipment na nakapadala na bago ang bisa ng circular, at na-produce o na-slaughter bago Enero 30, ay pinapayagang pumasok pa rin sa bansa.

Advertisement

Ayon sa DA, ang lahat ng non-compliant shipments ay ikokumpiska o haharap sa umiiral na quarantine regulations, at ang mga veterinary quarantine officers sa pangunahing ports ay inutusan ng mahigpit na inspeksyon at pagpigil sa mga bawal na produkto.

Advertisement