Malugod na tinatanggap ng mga House prosecutor ang paglahok ng mga private prosecutor upang makatulong sa masusing pag-aanalisa ng mga dokumento at testimonya kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay France Castro, Former Representative – Act Partylist, sinabi nito na mahalagang magkaroon ng hiwalay na team at lead prosecutor para sa bawat isa sa apat na articles of impeachment upang matiyak ang pokus at mas malalim na pag-aaral sa bawat sakdal. Aniya, layunin ng hakbang na mailabas ang katotohanan at matiyak ang pananagutan at hustisya sa proseso.

Kasabay nito, nagpahayag ng pag-aalala ang kampo ng prosecution sa tinatayang pitong buwang haba ng impeachment trial, batay sa pagtaya ng Impeachment Clerk of Court. Kung ihahambing, tumagal lamang ng 44 na araw ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012, habang umabot naman sa 23 araw ang paglilitis kay dating Pangulong Joseph Estrada.

Dahil dito, iminungkahi ang pagbabawas at pagsasaayos ng mahigit 10,000 piraso ng ebidensya at mga testigo upang mapabilis ang pagdinig. Binigyang-diin ni Castro na sapat na ang mapatunayan ang kahit isa lamang sa mga sakdal, kabilang ang betrayal of public trust o culpable violation of the Constitution, upang magkaroon ng konbiksyon.

Advertisement

Iginiit din niya ang kahalagahan ng pagtatapos ng impeachment proceedings sa loob ng kasalukuyang taon upang maiwasan ang posibleng pagkaantala dulot ng nalalapit na election season sa susunod na taon.

Pinayuhan din ang mga prosecutor na maging maingat at estratehiko sa pagpili ng mga testimonya at ebidensyang ihaharap. Ayon kay Castro, ang pagsasama ng ilang lumang isyu na walang direktang kaugnayan sa mga pangunahing sakdal ay maaaring magdulot lamang ng simpatiya para sa Bise Presidente sa halip na makatulong sa kaso.

Samantala, muling iginiit ng White Ribbon Movement ang paninindigan nitong panagutin ang lahat ng sangkot sa katiwalian, anuman ang kanilang partidong pampulitika o kinabibilangang kampo.

Sa ilalim ng panawagang “Lahat ng sangkot sa kurakot ay dapat managot,” binigyang-diin ng grupo na hindi ito nakatuon lamang sa isang pamilya o administrasyon kundi sumasaklaw sa lahat ng usapin ng korapsyon, kabilang ang mga kontrobersiya sa confidential funds, Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at iba pang alegasyon ng iregularidad sa pamahalaan.

Advertisement