Ipinahayag ng House prosecution panel ang kasiyahan sa naging takbo ng unang araw ng presentasyon ng kanilang unang testigo sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Sa panayam sa media, sinabi ni Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa na naging maayos ang presentasyon ng kanilang ebidensiya at naipaliwanag nang malinaw ang posisyon ng prosekusyon hinggil sa mga paratang laban sa respondent.
Ayon kay Tolosa, ipinakita ng kanilang unang testigo ang mga ebidensiyang sumusuporta sa alegasyong ang umano’y pagbabanta ng respondent laban sa Pangulo, Pangalawang Pangulo, at dating Speaker ng Kamara ay maaaring ituring na paglabag sa tiwala ng publiko, paglabag sa Konstitusyon, at isang mabigat na krimen.
Sinabi rin niya na ang kaso ng prosekusyon ay hindi lamang nakabatay sa mga pahayag ng mga testigo kundi maging sa mga dokumento, video recordings, at sa mga mismong naging pahayag ng respondent, na aniya ay magkakaugnay na nagpapatibay sa kanilang mga alegasyon.
Dagdag pa ni Tolosa, matagumpay ring naiprisinta sa impeachment court ang mga video at dokumentong ginagamit bilang ebidensiya at napatunayan ang pagiging tunay o authentic ng mga ito, sa kabila ng mga pagtutol na inihain ng kampo ng depensa sa ilang bahagi ng presentasyon.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ngayong araw, inaasahang sisimulan ng kampo ng depensa ang cross-examination o pagtatanong sa unang testigo ng prosekusyon, bilang bahagi ng kanilang pagkakataong kuwestiyunin ang mga iniharap na testimonya at ebidensiya sa impeachment court.














