NAGA CITY- Sugatan ang isang lolo matapos mabundol ang minamanehong motorsiklo ng isang kasalubong na motorsiklo sa Barangay Loba Loba, Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Manuel Cordes, 69-anyos residente ng naturang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PStaff Sgt Emyrose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na mula sa Barangay Mabini papunta sa Barangay Loba Loba sa naturang bayan ang biktima.

Nabatid na habang paliko na ito sa kaliwang bahagi ng kalsada nang masagi ang motorsiklo nito at nabundol ng isang kasalubong na motorsiklo ng suspek na kinilalang si Gringo Teves, 26-anyos residente ng Salvacion, Patagan, San Miguel Catanduanes.

Dahil dito, nakabitaw sa kaniiyang sasakyan ang naturang biktima at nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang biktima maging ang suspek na agad namang dinala sa ospital

Samantala, hindi na umano magsasampa ng kaso ang biktima ngunit nakahanda naman ang suspek na magbigay para sa asistensiya medikal ng naturang biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil sa insidente.