NAGA CITY- Patay ang apat na myembro ng isang pamilya habang tatlong iba pa ang sugatan sa banggaan ng isang pampasaherong bus at tricycle
sa Barangay Bukal Sur Candelaria Quezon.
Kinilala ang mga namatay sina na Wilson Garma, driver ng Tricycle, ama na si Cristito Garma, asawa na si Loraine Garma at pamangkin na si Althea Garma, 5-anyos.
Maliban dito, sugatan naman ang lola na si Corazon Garma at mga apo na sina John Raine Garma at Ashley Diane Garma.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl. Czesar Caliwara, imbestigador ng Candelaria-PNP, sinabi nito na mula sa family reunion ang naturang
pamilya na sakay ng tricycle at patungo sana sa bayan ng Tiaong.
Ngunit pagdating sa naturang lugar, kinain aniya ng tricycle ang linya ng kasalubong na pampasaherong Bus na mula sa Manila at patungong Lucena City.
Dahil sa lakas ng impact, sugatan ang lahat na sakay ng tricycle na agad namang isinugod sa ospital ngunit hindi na naagapan ang buhay ng apat na
miembro ng pamilya habang patuloy na inoobserbahan ang tatlong iba pa.
Sa ngayon, nananatili na sa kustodya ng mga otoridad ang driver ng bus na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at physical injury at damage to property.