NAGA CITY- Sugatan ang lima katao matapos araruhin ng truck na kargado ng serbesa ang tatlong sasakyan sa Quirino Highway, Barangay San Diego, Tagkawayan, Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj Marcelito Platino, ang hepe ng Tagkawayan Municipal Police Station, sinabi nito na nawalan ng kontol ang driver ng truck na si Danny Boy Guzman kung kaya sumalpok ito sa dalawang kasalubong na motorsiklo at isang refrigerated closed van.

Ayon kay Platino, patungo umano sa Bicol ang trailer truck habang tinatahak naman ng mga inararong sasakyan ang direksyon pa-Maynila.

Dahil dito, nagkalat sa daan ang kargang mga serbesa ng truck habang nagtamo naman ng mga sugat ang driver ng dalawang motorsiklo na sina Antonio Janela Jr. at Ernie William Sambelon at live-in partner nito na si Rizel Maumay; driver ng truck at ang helper nito na si Ferdinand Jamlid gayundin ang driver ng closed van na si Andy Lispoton.

Kaagad namang naitakbo sa ospital ang mga biktima para malapatan ng lunas habang rumesponde na rin ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection.

Naitabi na rin ang mga nagkalat na serbesa at nakapaglagay na rin ng early warning device sa lugar.

Dagdag pa ni Platino, kilalang accident prone area ang lugar dahil sa pagbugsok at pakurba ang bahagi ng naturang kalsada.

Samantala, kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Injuries and Damage to Property ang isasampa laban sa driver ng truck.