Ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang motion for reconsideration ng ilang dating opisyal ng Department of Energy (DOE) na naglalayong ipawalang-bisa ang kasong graft laban sa kanila kaugnay ng Malampaya fund scam matapos itong ihain lampas sa itinakdang panahon.
Sa resolusyong inilabas noong Marso 11, sinabi ng anti-graft court na huli na nang ihain nina dating DOE Undersecretary Donato Marcos at anim pang dating opisyal ang kanilang apela kaya’t agad itong dinismiss.
Ayon sa korte na pinamumunuan ni Associate Justice Karl Miranda, hanggang Nobyembre 12, 2025 lamang ang palugit upang magsumite ng motion for reconsideration, limang araw matapos mailabas ang kautusan ng korte noong Nobyembre 7, alinsunod sa Continuous Trial Guidelines.
Gayunman, naipasa lamang ng mga akusado ang kanilang mosyon noong Nobyembre 24, 2025, kaya itinuturing itong “filed out of time.”
Iginiit din ng Sandiganbayan na walang paglabag sa karapatan ng mga akusado sa due process. Ayon sa resolusyon, nabigyan na ang mga ito ng pagkakataong sagutin ang alegasyon ng pinsala sa gobyerno sa isinagawang preliminary investigation.
Dagdag pa ng korte, ang pagbanggit ng higit sa P1 milyong umano’y pinsala o undue injury sa pamahalaan ay hindi nangangahulugang may ibang kasong isinampa laban sa mga akusado.
Gayunman, may dissenting opinion si Associate Justice Ronald Moreno na nagsabing hindi lamang simpleng kakulangan ang hindi pagbanggit sa orihinal na impormasyon ng halaga ng pinsala sa gobyerno, na mahalaga upang magkaroon ng hurisdiksyon ang Sandiganbayan sa kaso.
Ang Malampaya fund scam ay tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng bilyong pisong pondo mula sa Malampaya gas project na sinasabing nailihis sa mga pekeng non-profit organizations na inuugnay sa negosyanteng si Janet Lim Napoles.













