Naniniwala ang isang transport group sa Bicol na ang ipinanukalang dagdag-pasahe sa lahat ng public utility vehicles (PUVs) ay magdudulot lamang ng dagdag pasakit sa mga pasahero sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Tanggol Pasada Network Bicol Spokesperson Renato Piolino, hindi dapat ipasa ng gobyerno sa mga commuter ang epekto ng mataas na presyo ng petrolyo.
Sa halip, iminungkahi niya na mas makabubuting alisin ang excise tax at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo kaysa magpatupad ng fare hike.
Pinuri naman ni Piolino ang hakbang ng pamahalaan na bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspindihin ang excise tax sa gasolina. Aniya, kung agad itong ipatutupad, maaaring hindi na kailanganin ang panawagan para sa dagdag-pasahe at maiiwasan ang pagdagdag ng pasanin sa mga commuter.
Gayunpaman, humingi rin siya ng paumanhin sa mga pasahero na naapektuhan ng mga naunang fare hike, at iginiit na lahat ng Pilipino ay apektado ng umiiral na krisis sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.














