Photo @ web

Minonitor ng Philippine Navy ang ilang barko at aircraft ng China sa paligid ng Multinational Maritime Exercise (MME) sa ilalim ng Balikatan 2026, ayon sa mga opisyal.

Ayon kay Capt. Paul Michael Hechenova, commanding officer ng BRP Miguel Malvar, nakapagtala sila ng presensya ng ilang foreign vessels mula Abril 24 hanggang sa pagtatapos ng maritime drills.

Sinabi ni Hechenova na apat na barko ng People’s Liberation Army Navy ang kanilang namonitor, kabilang ang isang Jiangkai III-class frigate (bow number 555), Jiangkai II-class frigate (bow number 547), Luyang-class destroyer (bow number 168), at isang Dongdiao-class intelligence-gathering ship.

Bukod dito, dalawang barko ng China Coast Guard ang nakita rin sa lugar.

Advertisement

Namonitor din ng Philippine Navy ang tatlong aerial assets na pinaniniwalaang mula sa China—isang fixed-wing maritime patrol aircraft, isang unmanned aerial vehicle, at isang helicopter na nagmula sa isa sa kanilang mga barko.

Sa kabila ng presensya ng mga ito, sinabi ng Navy na walang naitalang hindi pangkaraniwan o agresibong kilos mula sa panig ng China.

“Generally, okay naman sila… cordial ang behavior nila. No confrontation,” ayon kay Hechenova.

Hindi rin umano nakialam ang mga naturang sasakyang pandagat at panghimpapawid sa isinagawang ehersisyo na nilahukan ng mga puwersa mula sa Pilipinas, United States, Japan, Australia, at Canada.

Ayon sa Philippine Navy, isinagawa ang maritime drills sa loob ng exclusive economic zone ng bansa upang mapalakas ang interoperability at defense cooperation ng mga kaalyado.

Dagdag pa ng mga opisyal, bahagi ng standard maritime domain awareness operations ang pagmonitor sa presensya ng foreign vessels sa panahon ng malalaking military exercises tulad ng Balikatan 2026, na itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan na may humigit-kumulang 17,000 tropa mula sa iba’t ibang sangay ng militar.

Advertisement