Tututukan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpaparami ng active transport facilities, kabilang ang mas maraming bicycle lanes, bilang bahagi ng hakbang upang mabawasan ang mga insidente ng road crash sa bansa.
Sa ginanap na road safety summit sa Pasig City, sinabi ni DOTr Director IV Joshua Rodriguez na kabilang sa pangunahing programa ng ahensya ang active transport project na nakatuon sa pagtatayo ng dagdag na Class 1 bike lanes para sa publiko.
Ipinaliwanag ni Rodriguez na may tatlong uri ng bike lanes: Class 3 o shared lane, Class 2 o separated lane, at Class 1 na may konkretong harang sa pagitan ng mga siklista at sasakyang de-motor.
Ayon sa opisyal, kabilang sa pinaka-vulnerable sa road crashes ang mga gumagamit ng non-motorized transport at mga pedestrian kaya mahalagang magkaroon ng mas ligtas na imprastraktura para sa kanila.
“The only way we can avoid road crashes involving them is to prevent other road users or other motorized vehicle users from entering their lane,” ani Rodriguez.
Batay sa tala ng DOTr, umaabot na sa tinatayang 1,100 kilometro ng bike lanes ang naitayo sa buong bansa hanggang unang quarter ng 2026.
Target naman ng ahensya na mapalawak ito sa 2,400 kilometro pagsapit ng 2028 bilang bahagi ng kanilang road safety at sustainable transport plan.














