Photo © web

Muling ipinakita ni Alex Eala ang kaniyang husay matapos talunin ang World No. 2 na si Elena Rybakina, 7-5, 6-4, sa Berlin Open nitong Biyernes (oras sa Pilipinas).

Sa kanilang laban sa WTA 500 tournament, nahirapan si Eala sa simula ng unang set at napag-iwanan pa ng 1-4 laban kay Rybakina, na kilala sa kaniyang malalakas na serve. Ngunit hindi sumuko ang 21-anyos na Pilipina at nakabawi sa pamamagitan ng sunod-sunod na panalo upang maagaw ang unang set, 7-5.

Sa ikalawang set, muling nakakuha ng kalamangan si Eala matapos umiskor ng 4-2. Gayunman, muling nagbanta si Rybakina na makabawi, ngunit nanatiling kalmado at matatag ang Filipina hanggang tuluyang tapusin ang laban sa 6-4 sa loob ng 1 oras at 32 minuto.

Dahil sa panalong ito, umusad si Eala sa quarterfinals ng torneo kung saan makakaharap niya si Elina Svitolina.

Advertisement

Ito na ang ikalawang pagkakataon na natalo ni Eala ang isang World No. 2 player. Noong nakaraang taon, gumawa rin siya ng malaking upset laban kay Iga Swiatek sa Miami Open, na nagbigay-daan sa kaniyang pag-abot sa semifinals.

Patuloy na hinahangaan ang pag-angat ni Eala sa pandaigdigang tennis matapos ang sunod-sunod niyang malalaking panalo laban sa mga nangungunang manlalaro sa mundo.

Advertisement