Magiging kinatawan ng Camarines Sur ang bayan ng Magarao matapos itong mapabilang sa pitong Local Government Units (LGUs) sa bansa na inimbitahang dumalo at magbahagi ng kanilang mga programa sa gaganaping ASEAN Mayors and Governors Forum sa Nobyembre 18, 2026, sa Ramon Magsaysay Center.
Ayon kay Magarao Mayor Ma. Maruja Señar, isang malaking pribilehiyo para sa kanilang bayan ang pagkakaroon ng pagkakataong makilahok sa naturang pandaigdigang pagtitipon upang maipakilala at maibahagi ang mga inisyatiba ng kanilang Civil Society Organization (CSO) at Smart Kabuhayan Hub.
Bagama’t kabilang sa ikaapat na klaseng munisipalidad ang Magarao, patuloy naman itong nakakakuha ng pagkilala hindi lamang sa pambansang antas kundi maging sa pandaigdigang larangan.
Bukod sa Magarao, kabilang din sa mga inimbitahang LGUs ang Viga sa Catanduanes, Iloilo City, Pilar sa Surigao, Lapu-Lapu City, Makati City at Bacoor City.














