Mas paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad at pagpapatrolya sa loob at paligid ng mga pangunahing shopping mall sa bansa bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga mamimili ngayong holiday season.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., muling inayos ng iba’t ibang police units ang kanilang deployment plans upang matiyak ang sapat na bilang ng mga pulis sa mga matataong establisimyento.

Binigyang-diin ni Nartatez na layunin ng hakbang na mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng mas pinalakas na police visibility at foot patrols. Inaasahan ding makatutulong ito upang maagapan at maiwasan ang mga posibleng insidente ng kriminalidad.

Samantala, bilang bahagi ng mga hakbang sa pamamahala ng trapiko ngayong holiday season, nakatakdang ipatupad ang mall operating hours na alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi tuwing weekdays.

Advertisement

Ipinagbabawal din ang pagsasagawa ng mall-wide sales sa mga araw na ito upang makatulong na mabawasan ang inaasahang pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing kalsada.

Patuloy namang hinihikayat ng PNP ang publiko na maging mapagmatyag at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos o insidente upang mapanatili ang ligtas at maayos na pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Advertisement