Handa ang National Bureau of Investigation (NBI) na magbigay ng kaukulang tulong sakaling matuloy ang extradition o pagpapadala sa United States kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.

Ito ay kasunod ng paglalabas ng Makati City Regional Trial Court (RTC) ng extradition warrant of arrest laban kay Quiboloy at sa ilan nitong kasamahan.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakadepende ang kanilang magiging hakbang sa anumang direktiba na manggagaling sa Department of Justice (DOJ).

Nabatid na hinihintay pa ng NBI ang pormal na pag-abot ng kopya ng extradition warrant mula sa DOJ. Kapag natanggap na ito, isusumite naman ng ahensya ang mga kaukulang dokumento sa DOJ para sa susunod na hakbang at pagpapasya.

Advertisement

Matatandaang nitong Biyernes ay naglabas ang Makati City RTC ng extradition warrant of arrest at hold departure order laban sa nakakulong na si Quiboloy at dalawa nitong kasamahan, kasunod ng petisyong inihain ng pamahalaan ng Estados Unidos.

Nag-ugat ang extradition request sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy sa US, kabilang ang child sex trafficking through force, fraud, or coercion, marriage fraud, visa fraud, money laundering, at bulk cash smuggling.

Advertisement