Patuloy na mailap ang hustisya para sa pamilya ng 18-anyos na estudyanteng si Rosalie Indico Muceros matapos ibasura ng Office of the City Prosecutor ang kasong murder na isinampa kaugnay ng kanyang rape-slay case dahil sa kakulangan ng circumstantial evidence.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt. Arnel B. Azaña, Station Commander ng Naga City Police Station, pormal nang natanggap ng Naga City Police Office (NCPO) Police Station 4 ang resolusyon ng piskalya noong Nobyembre 20 at agad ding ipinadala ang dokumento sa NCPO headquarters.

Ayon kay Azaña, bagama’t kasong murder ang unang isinampa ng pulisya, napansin ng mga imbestigador na mas nakatuon ang resolusyon ng piskalya sa usapin ng panggagahasa, partikular na sa kawalan ng katugmang DNA evidence.

Bilang tugon, nakatakda nang magsampa ng Motion for Reconsideration (MR) ang mga legal officer ng Police Station 4 upang hilingin sa tanggapan ng piskalya na muling suriin ang naging desisyon nito.

Advertisement

Sa kabila ng legal na pagsubok na ito, tiniyak ng mga opisyal ng pulisya na patuloy silang nakikipagtulungan sa pamilya Muceros at ginagawa ang lahat ng posibleng hakbang upang makamit ang hustisya para sa biktima.

Ayon sa pulisya, iginagalang nila ang naging desisyon ng piskalya, ngunit hindi ito nangangahulugang titigil na sila sa paghahanap ng pananagutan.

Matatandaang natagpuan ang bangkay ni Muceros, isang Grade 11 student, sa isang masukal at bakanteng lote sa Zone 6, Barangay Panicuason, Naga City, noong Nobyembre 27, 2025, halos isang taon matapos ang insidente.

Sa kabila ng patuloy na imbestigasyon at mga legal na hakbang, patuloy na naghahangad ng katarungan at malinaw na resolusyon sa kaso ang mga awtoridad at pamilya ng biktima.

Advertisement