NAGA CITY – Patay ang isang back rider ng motorsiklo matapos itong mabundol ng truck sa Brgy. Pili, Sariaya Quezon.

Kinilala ang biktima na si Mandy Hernandez, 36-anyos, residente ng nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ni Darryl Albina Atienza ang kahabaan ng bypass road gamit ang kaniyang motorsiklo habang sakay si Hernandez, nang mabundol ito ng isang truck na minamaneho naman ni Nicomedes Legaspi Laurora, 54-anyos, residente ng Brgy. BucalBucalan, Sorsogon.

Sa nakalap na inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa lakas ng pagkakasalpok ng truck sa motorsiklo ay nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan sina Hernandez at Atienza.

Agad naman ang mga itong dinala sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor si Hernandez dahil sa tinamong malalang tama sa kaniyang ulo.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad si Laurora para sa karampatang disposisyon.